SIMULA SA UNDAS: Single toll system ng NLEX, SCTEX
Nakatakdang ipatupad simula ngayong darating na Undas ang single toll system ng North Luzon (NLEX) at Subic-Clark-Tarlac (SCTEX) Expressways upang hindi na maging hassle pa sa mga motorista ang pagbagtas sa mga naturang daan lalo na tuwing holiday season.
Ito ay kasunod ng tuluyang paggawad ng pamahalaan ng konsesyon ng SCTEX sa Manila North Tollways Corporation (MNTC) na siyang kasalukuyang nagpapatakbo ng operasyon ng NLEX.
Sa isang panayam, inilahad ni MNTC President Rodrigo Franco na kanilang aalisin ang mga toll plaza ng NLEX sa Dau at SCTEX sa Mabalacat na siyang bottleneck tuwing malaki ang volume ng mga sasakyan.
Dagdag pa ni Franco na naglaan sila ng P600 milyon para sa integrasyon ng NLEX at SCTEX na gagamitin para sa information technology program para sa single toll system, konstruksyon ng toll plaza sa Sta. Ines exit ng NLEX, pagpapalaki ng mga toll plaza at exit ramps sa mga labasan sa SCTEX, at ang muling pagpapa-aspalto ng SCTEX.
Kaugnay nito, nakikipagugnayan na rin aniya ang MNTC sa San Miguel Corporation- may hawak ng konsesyon ng Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX) sa kung paano mapapabilis o pag-iisahin ang singil sa mga pumapasok dito mula sa SCTEX. (PIA 3)