Balita sa Wikang Pinoy: Mga wagi sa E-Guhit, Spoken Poetry contest ng DTI Zambales pinarangalan
IBA, Zambales — Pinarangalan ng Department of Trade and Industry o DTI Zambales ang mga nagwagi sa Consumer Welfare Month o CWM E-Guhit Poster Making at Spoken Poetry contest nito.
Nanguna si Patricia Therese Damaso ng San Guillermo National High School sa bayan ng San Marcelino sa E-Guhit habang si Denise Abelle Basa ng Tapinac Senior High School sa lungsod ng Olongapo ang kampeon sa Spoken Poetry.
Ayon kay DTI Provincial Director Enrique Tacbad, ang pagdiriwang ng CWM ngayong taon ay may temang “Sustainable Consumerism in the Digital Age.”
Nagpasalamat si Tacbad sa mga mag-aaral at kanilang coach sa paglahok sa mga patimpalak.
Sina Damaso at Basa ang mga pambato ng Zambales sa pang-rehiyong paligsahan na gaganapin sa Nobyembre 10.
Pumangalawa sa E-Guhit si Princess Alliyah Baja Danday ng College of Subic Montessori sa Subic Bay Freeport Zone habang pumangatlo si Elyiah Julia Añonuevo ng Regional Science High School sa Subic Bay Freeport Zone.
Samantala, nasungkit ni Emmanuel Tejedor Bahala ng College of Subic Montessori sa Subic Bay Freeport Zone ang ikalawang pwesto sa Spoken Poetry habang nasa ikatlong pwesto si Precious Gatmaitan ng Saint Anne Academy sa lungsod ng Olongapo. (PIA 3)