fbpx

Balita sa wikang Pinoy: Pilipinas overall champion ng SEA Games 2019

KAMPEON. Ipinagkaloob sa Pilipinas ang Overall Championship trophy matapos magkamit ng 149 Ginto, 117 Pilak at 121 Tansong medalya. (Carmela Jane F. Villar)

NEW CLARK CITY, Tarlac — Opisyal nang nagtapos kagabi ang ika-30 Southeast Asian Games o SEA Games sa isang engrandeng seremonya sa New Clark City o NCC Stadium sa Capas, Tarlac.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni House Speaker at Philippine SEA Games Organizing Committee Chairperson Alan Peter Cayetano na ang naturang palaro ay naging oportunidad para ipakita ang diwa ng sportsmanship ng mga atleta mula sa 11 bansa sa rehiyon.
Iginiit niya na hindi magtatapos sa SEA Games ang ayuda ng pambansang pamahalaan sa mga atleta. Mamumuhunan aniya ito sa pamamagitan ng Philippine Sports Commission sa grassroots development.
Karagdagang mga pasilidad pampalakasan din ang itatayo sa NCC kabilang na ang Philippine School for Sports na huhubog sa susunod na henerasyon ng World at posibleng Olympic Champions.
Magsisilbing host din ang NCC sa iba pang international sporting events partikular ang ika-10 ASEAN Para Games at ika-11 Asian Swimming Championships ngayong 2020.
Umaasa din siya na makakapagbid at manalo ang Pilipinas bilang host ng 2030 Asian Games.
Opisyal na isinara ni Executive Secretary Salvador Medialdea, bilang kinatawan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte, ang naturang palaro at inanyayahan niya ang lahat na muling magtipon sa 2021 para sa ika-31 SEA Games na gaganapin sa Vietnam.
Kabilang sa naging tampok sa SEA Games 2019 Closing Ceremony ang pagkilala sa ilang atleta. Kabilang na ang swimmer na si Zheng Weng ng Singapore bilang Best Male Athlete at kapwa swimmer na si Nguyen Thi Anh Vien ng Vietnam bilang Best Female Athlete.
Iginawad ang Fair Play Award sa surfer na si Roger Casugay ng Pilipinas na mas piniling iligtas ang katunggaling Indonesian kesa ang oportunidad na manalo sa semi-finals ng Men’s Longboard event sa La Union.
At panghuli, ipinagkaloob sa Pilipinas ang Overall Championship trophy matapos magkamit ng 149 Ginto, 117 Pilak at 121 Tansong medalya.
Itinampok din sa Closing Ceremony ang mga pagtatanghal ng grupong Black Eyed Peas; si Arnel Pineda at ang Ko Jones Band; Binulu Festival Dancers ng Porac, Pampanga; at The Manila Concert Choir.
Nagningning din ang kalangitan dahil sa drone show at fireworks display. (PIA 3)

HERO SURFER. Iginawad ang Fair Play Award sa surfer na si Roger Casugay (may hawak ng tropeo, kaliwa) ng Pilipinas na mas piniling iligtas ang katunggaling Indonesian kesa ang oportunidad na manalo sa semi-finals ng Men’s Longboard event sa La Union. (Gabriela Liana S. Barela
SEE YOU IN VIETNAM. Pagtatatanghal ng Vietnam na host ng ika-31 Southeast Asian Games sa 2021 (Gabriela Liana S. Barela)
DON’T STOP BELIEVIN’. Pagtatanghal ni Journey lead singer Arnel Pineda sa Closing Ceremony ng 30th SEA Games. (Carmela Jane F. Villar)
Please follow and like us:
error

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *